ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAKBAY
ang buhay ay isang paglalakbay
tulad ng kinathang tula'y tulay
sa pagitan ng ligaya't lumbay
sa pagitan ng bulok at lantay
sa pagitan ng peke at tunay
nilalakad ko'y mahabang parang
lalampasan ang anumang harang
pahinga'y adobo at sinigang
muli, lakad sa gubat at ilang
bagamat sa araw nadadarang
tao'y pagkasanggol ang simulâ
sunod mag-aaral mulâ batà
hanggang magdalaga't magbinatâ
ikakasal habang talubatâ
panaho'y lilipas at tatandâ
ang mahalaga rito'y paano
isinabuhay kung anong wasto
lalo na sa pagpapakatao
at pakikipagkapwa sa mundo
habang ginagawa anong gusto
di ang pagkamal ng kayamanan
o ng pribadong ari-arian
na kinurakot sa kabang bayan
yamang pagkatao'y niyurakan
yamang di dala sa kamatayan
- gregoriovbituinjr.
11.04.2025
Larawan at Sawikain
Lunes, Nobyembre 3, 2025
Martes, Setyembre 30, 2025
Makabagong salawikain
MAKABAGONG SALAWIKAIN
Nang dahil sa ghost flood control
Kayraming bulsang bumukol
O, mga gahaman sa kapangyarihan
Pati kabang bayan iyong ginagalaw
Pag iyan ang nasok sa puso ninuman
Kukunin ang lahat ng pera ng bayan
Pesante''y nagtanim, obrero'y nagsaing
Contractor at senador ang nagsikain
Tuso man daw ang contractor
Daig sila ng Senador
Ang contractor ay parang langaw
Na nakatuntong sa kalabaw
Pera ng bayan ang inagaw
Pati baha'y mistulang lugaw
Ang hindi lumingon sa pinanggalingan
May flood control projects na pinabayaan
Walang matimtimang Senador
Pag naglagay na ay Contractor
Ang maghangad ng kagitna
Kasakiman ang napala
Contractor na walang awa
Ang bayan ang kinawawa
- gregoriovbituinjr.
09.30.2025
* unang binigkas sa munting konsyerto para sa pagpapalaya sa Mendiola 216, Setyembre 28, 2025
Sabado, Setyembre 27, 2025
Ang ibinibigay ko sa madlâ
ANG IBINIBIGAY KO SA MADLÂ
ibinibigay ko, hindi lang alay,
ang bawat tulang nakatha kong tunay
inyo na iyan, pagkat tula'y tulay
ko saanman magtungo't humingalay
tula ko'y ibinibigay kong kusà
sa masang api, dukhâ, manggagawà,
magsasaka, vendor, babae, batà,
lalo't sila ang madalas kong paksâ
sa tula'y wala mang perang kapalit
pagkatao itong di pinagkait
inyo na iyan, sa madla'y sinambit
di ko iyan madadala sa langit
tula'y buhay ko, sa tula'y seryoso
tula'y tulay kong bigay na totoo
inyo na iyan, mula sa pusò ko
oo, tutulâ ako hanggang dulo
- gregoriovbituinjr.
09.28.2025
Biyernes, Setyembre 19, 2025
Tale of three Sara
TALE OF THREE SARA
ang una'y si Sara Piattos
di mapaliwanag ang gastos
milyon-milyon sa onse araw
banta pa'y may ipapapatay
ikalwa'y si Sara Dismaya
sa flood control, contractor pala
pondo ng bayan, isinubi
mga proyekto'y guniguni
kahanga-hanga ang ikatlo
singer na si Sarah Geronimo
sa kabataan, kanyang bilin
bulok na sistema'y baguhin
Sarah Geronimo, Mabuhay!
ngala'y nagniningning na tunay!
payo mo sa prinsipyo'y atas
itayo ang lipunang patas
- gregoriovbituinjr.
09.20.2025
* litrato mula sa fb page ng ABS-CBN News
* ulat mula sa https://abscbn.news/3VXIDlL
Linggo, Setyembre 14, 2025
Daang tuwid at prinsipyado
DAANG TUWID AT PRINSIPYADO
kahit pa ako'y maghirap man
mananatilng prinsipyado
nakikipagkapwa sa tanan
tuwina'y nagpapakatao
naglalakad pag walang pera
nang masang api'y makausap
patuloy na nakikibaka
upang matupad ang pangarap
na lipunang pantay, di bulok
pagkat sadyang di mapalagay
laban sa tuso't trapong bugok
kumikilos nang walang humpay
daang tuwid ang tatahakin
ng mga paang matatatag
matinong bansa'y lilikhain
lansangang bako'y pinapatag
- gregoriovbituinjr.
09.15.2025
Huwebes, Setyembre 4, 2025
Ang nasusulat sa bato
ANG NASUSULAT SA BATO
"Nothing is written in stone."?
ikako naman, mayroon
lapida ba'y anong layon?
di ba't batong marmol iyon?
isa iyong parikalâ
o irony, ang salitâ
na winika ng matandâ
sa bato nasulat pa ngâ
di pa naukit ang gayon
marahil noong panahon
nina Zeus at Poseidon
wala pang sibilisasyon
anong kahulugan nire?
sa masa'y anong mensahe?
wala nga bang permanente?
o sa sitwasyon depende?
- gregoriovbituinjr.
09.05.2025
* larawan mula sa google
Lunes, Agosto 25, 2025
Iba ang lonely sa alone
IBA ANG LONELY SA ALONE
ang Lone ang salitang nag-uugnay
sa Lonely at Alone, kung sabagay
ngunit magkaiba ang dalawa
isa'y malungkot, isa'y mag-isa
katulad ko, I'm lonely and alone
iyung iba, lonely but not alone
ako uli, I'm alone but lonely
iyung iba, alone but not lonely
hanggang ngayon, ako'y nagluluksa
mula nang si misis ay nawala
laging mag-isa, walang kausap
ngunit lagi pa ring nangangarap
minsan, loner ako o introvert
iyung iba naman ay extrovert
tahimik ako sa tabi-tabi
iba'y nagsasaya gabi-gabi
sa mga naranasan talaga
napagtanto kong mas mahalaga
ay di IQ, intelligence quotient
kundi EQ, emotional quotient
kaya maraming nagpatiwakal
di kaya ng puso, naging hangal
sadya nga bang ganito ang buhay
minsan masaya, minsan may lumbay
dinadaan na lang sa trabaho
inaaral na lang bawat isyu
nang gaya kong tibak na Spartan
ay patuloy maglingkod sa bayan
- gregoriovbituinjr.
08.25.2025
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)






