Biyernes, Nobyembre 4, 2022

Pusang itim

PUSANG ITIM

kasalanan ba ng pusa kung kulay niya'y itim?
na dala niya'y kamalasan at pawang panimdim?
kabaligtaran ng liwanag, kaya siya'y dilim?
na para sa mapamahiin, dulot niya'y lagim!

sa mga liblib na pook, siya'y kinatakutan
sa panahong nangingibabaw ang kababalaghan
sa mga akda, ang kulay niya'y pinupulutan
ramdam nila ang lagim, sila'y pinupuluputan

Kanong si Edgar Allan Poe ay may kwentong "The Black Cat"
si Theodor Geisel ay may kwentong "The Cat in the Hat"
sa Pet Sematary ni Stephen King magugulat
may grupo sa Harry Potter, alaga'y pawang black cat

sa lumang panahon, ganyang paniwala'y palasak
walang sala ang pusa kung ganyan ipinanganak
kaya di siya dahilan kung iba'y napahamak
ang maglakbay sa putikan, sa kumunoy ang bagsak

pag nakita'y pusang itim, huwag ka nang magtungo
sa balak puntahan, baka malasin ka't maglaho
"black is beautiful", ika nga sa kabilang dako
ng ating mundo, kulay itim ay kasuyo-suyo

ayon sa agham, nanggaling ang balahibong itim
sa ama't ina nito, nagmula sa kanilang gene
kung saan nabuo ang sinasabing eumelanin
kung isang gene ay may itim, may itim din na kuting

- gregoriovbituinjr.
11.05.2022

Sabado, Marso 26, 2022

Libingan at kapak

LIBINGAN AT KAPAK

Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim:

"Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan."

Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82:

"Ano ang halaga ng ganda ng malas,
di gaya ng tago sa pagkakatanyag,
huwag mong tularan yaong isdang kapak, 
makisap ang labas, sa loob ay burak."

Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula:

dalawa kong iniidolo
talinghaga'y halos pareho
bayaning Emilio Jacinto
at makatang Batute ito

sa labas, bagay na maganda
ay hinahangaan tuwina
ngunit huwag tayong padala
pagkat loob ay bulok pala

anong tindi ng pagmamasid
pagsusuri'y kanilang batid
pamanang sa atin ay hatid
upang sa dilim di mabulid

mga gintong palaisipan
para sa ating kababayan
nagmula sa kaibuturan
ng kanilang puso't isipan

taospusong pasasalamat
sa nabanggit na mga aklat
na kung iyong mabubulatlat
may gintong diwang masasalat

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

Linggo, Pebrero 20, 2022

Bawat tula'y tulay

BAWAT TULA'Y TULAY

"An artist is not a special kind of person rather each person is a special kind of artist." - mula sa paskil sa isang kainan

ako'y isang manunula
at artista ng salita
kahit bumagyo't bumaha
ay patuloy sa pagkatha

iyon na ang naging buhay
niring makata ng lumbay
na ang bawat tula'y tulay
sa madla ng diwa't pakay

tulay sa bawat linggatong
at paglaban sa ulupong
tulay sa dukha't may dunong
upang bayan ay sumulong

kung sa tula'y may magbasa't
kinagiliwan ng masa
mula sa puso talaga'y
pasasalamat tuwina

- gregoriovbituinjr.
02.21.2022

Huwebes, Pebrero 3, 2022

Kabayo muna bago kalesa

KABAYO MUNA BAGO KALESA

huwag paunahin ang kalesa
pagkat dapat kabayo ang una
kausapin mo muna ang masa
bago ka magbuo ng alyansa

ito nama'y akin lang narinig
sa usapan ng magkapitbisig
nang sa gawain, di matigatig
hakbang baytang-baytang ang ulinig

kaya huwag laging tira-pasok
palaging magsuri nang maarok
ang pagpalit sa sistemang bulok
kung dukha'y ilalagay sa tuktok

ang kalesa'y hila ng kabayo
pagkat iyan ang takbo sa mundo
kabayo'y di rin tulad ng awto
na makaaatras pag gusto mo

ah, kailan ka ba nakakita
na kabayo'y sunod sa kalesa
unawain ang diyalektika
at gamiting wasto sa taktika

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022

* litrato mula sa google

Linggo, Enero 2, 2022

Mga halaw na salawikain

MGA HALAW NA SALAWIKAIN

sinumang di lumingon sa kanyang pinanggalingan
ay di makararating sa dapat na paroonan

kung naging mahinahon ka sa panahon ng poot
tiyak maiiwasan mo ang sandaang sigalot

ang taong gumagamit ng pwersa laban sa bayan
sakim sa kapangyarihan at sala sa katwiran

marami riyang matapang sa kapwa Pilipino
subalit nakayuko naman sa harap ng dayo

anumang hiniram mo'y isauli o palitan
upang sa susunod, di madala ang hiniraman

hangga't maikli ang kumot, magtiis mamaluktot
pag mahaba na'y umunat nang likod ay di hukot

ang di lumalaban sa mga mapagsamantala
kundi duwag ay utak-alipin o palamara

ang batang mausisa at tuwina'y palatanong
sa kalaunan ay lalaki itong anong dunong

yaong ganid sa yaman at pribadong pag-aari
siya ring mapagsamantala't nag-aastang hari

kung saan may asukal, tiyak naroon ang langgam
yaong tapat ang pagsinta'y di agad mapaparam

bungang hinog sa pilit, kung kainin ay mapait
matamis na kendi'y sisira sa ngipin ng paslit

kung anong bukambibig ay siyang laman ng dibdib
tulad ng binatang sa dilag nagmahal ng tigib

- gregoriovbituinjr.
01.03.2021