Biyernes, Enero 31, 2025

Ang mga pakpak nina Daedalus at Icarus

ANG MGA PAKPAK NINA DAEDALUS AT ICARUS

kung nais mong maabot / ang langit sa paglipad
iwan ang mga bagay / na sa iyo'y pabigat
patibayin ang bagwis / upang sa pagpagaspas
ay di masira, baka / tuluyan kang bumagsak

may alamat nga noon / na batid ko pang lubos
hinggil sa kanaisan / ng amang si Daedalus
na gumawa ng pakpak / na talagang maayos
kasama'y kanyang anak / na ngalan ay Icarus

gawa ang pakpak mula / pagkit at balahibo
nais nilang takasan / ang piitan sa Creto
habang bilin ng ama'y / huwag taasang todo
ang paglipad, sa araw / matunaw na totoo

subaiit di sinunod / ni Icarus ang ama
sa taas ng paglipad / ay bumulusok siya
pagkat pagkit sa pakpak / ay natunaw talaga
at kamatayan niya'y / natamo kapagdaka

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Enero 30, 2025

Mga kasabihan sa buhay

MGA KASABIHAN SA BUHAY

bawat suliranin / ay may kalutasan
at bawat pagsubok / ay may kasagutan
basta matuto lang / tayong makilaban
sa sinumang puno / ng katiwalian

ating kaakibat / ang pakikibaka
nang mabago iyang / bulok na sistema
sa ating pagbaka'y / dapat wakasan na
iyang pang-aapi'y / pagsasamantala

may karapatan din / kahit maralita
dukha man, di dapat / na kinakawawa
kung maluklok natin / iyang manggagawa
may pagbabago na't / uunlad ang bansa

mandarayang trapo'y / indak lang ng indak
bundat na burgesya'y / panay ang halakhak
habang karaniwang / tao'y hinahamak
ng trapo't kuhilang / dapat lang ibagsak

- gregoriovbituinjr.
01.31.2025

Biyernes, Enero 17, 2025

Isa na namang kasabihan

ISA NA NAMANG KASABIHAN

animo'y makatang nagsalita
yaong kolumnista sa balita:
"Sa matuwid na pangangasiwa,
mabubura ang 'tamang hinala'!"

makabuluhan ang kasabihan
sa mga isyu niyang tinuran
paano ba pagtitiwalaan
ng madla iyang pamahalaan

tatlong ayuda'y tinurang kagyat
ang TUPAD, A.I.C.S. at AKAP
baka magamit ng trapong bundat
sa pulitika't kunwang paglingap

upang manalo lang sa eleksyon
lalong magkaroon ang mayroon
paano pipigilan ang gayon?
talagang ito'y malaking hamon

gahamang trapo'y dapat iwaksi
dangal ng dukha'y h'wag ipagbili
subalit kung sa gutom sakbibi
dalita ba'y ating masisisi?

paano tutulungan ang dukha
kung walang ayudang mapapala
lipunang ito'y palitang sadya
ito ang aking nasasadiwa

- gregoriovbituinjr.
01.17.2025

* mula sa kolum sa pahayagang Pang-Masa, Enero 17, 2025, p.3
* TUPAD - Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantage
* AICS - Assistance to Individuals in Crisis
* AKAP - Ayuda para sa Kinakapos Ang Kita Program

Miyerkules, Enero 15, 2025

Pagpili ng wastong salita

PAGPILI NG WASTONG SALITA

pagpili ng wastong salita
ay dapat gawin nating kusa
hindi iyang pagtutungayaw
na pag tumarak ay balaraw

wastong salita ang piliin
kapwa mo'y huwag lalaitin
porke mayaman ka't may datung
ay magaling ka na't marunong

huwag kang mapagsamantala
na ang kapwa mo'y minumura
magsalita ng mahinahon
mga problema'y may solusyon

ang maling salita'y masakit
lalo't ikaw ang nilalait
ang wastong salita'y respeto
at salamin ng pagkatao

- gregoriovbituinjr.
01.16.2025

* litrato mula sa Daang Onyx, malapit sa Dagonoy Market sa Maynila

Biyernes, Enero 10, 2025

Payo sa isang dilag

PAYO SA ISANG DILAG

aanhin mo ang guwapo
kung ugali ay demonyo
at kung di mo siya gusto
dahil siya'y lasenggero

ay bakit di mo tapatin
ayaw sa kanya'y sabihin
huwag mo siyang tiisin
kahit ikaw pa'y lambingin

pagsagot ba'y sapilitan?
panliligaw ba'y takutan?
aba'y marami pa riyan
na sagad sa kabaitan

matamis man yaong dila
na kanya ka raw diwata
tangi niyang minumutya
ay baka ka lang lumuha

suriin ang manliligaw
huwag ka riyang magaslaw
kinabukasan mo'y pakay
kaya aralin mong tunay

- gregoriovbituinjr.
01.10.2025