Biyernes, Pebrero 28, 2025

Hila mo, hinto ko, sa tamang babaan

HILA MO, HINTO KO, SA TAMANG BABAAN

ilang beses ko nang / nababasa iyon
'Hila mo, hinto ko, / sa tamang babaan'
sintunog ng isang / kasabihan noon
'Buntot mo, hila mo' / sa aklat nalaman

madalas mabasa / sa nasasakyang dyip
bilin nilang iyon, / hilahin ang tali
kung nais pumara / at umibis ng dyip
kung sa pupuntahan / ay nagmamadali

mayroong iilaw / sa tabi ng drayber
o kaya'y tutunog / pag tali'y hinatak
pag nakita iyon / o dinig ng tsuper
agad nang titigil / kahit sa malubak

noon, sisigaw lang: / 'Sa tabi lang. Para!'
paano kung bingi / ang drayber na ito?
sinasanay tayo / sa teknolohiya
paunti-unti man / at di pa moderno

- gregoriovbituinjr.
02.28.2025

Lunes, Pebrero 24, 2025

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litrato mula sa google

Sabado, Pebrero 1, 2025

Ang punò

ANG PUNÒ

kaysarap pagmasdan ng punong nadaanan
ang lilim niya'y pag-asang dulot sa tanan
marami siyang naitutulong sa bayan
malinis na hangin at bungang kailangan

halina't pagmasdan ang kanyang mga ugat
at tiyak, marami tayong madadalumat
anya, magpakumbaba kahit umaangat
anya pa, linisin ang basurang nagkalat

sa ilalim ng puno'y kaysarap magpulong
kasama ang dukhang sa hirap nakabaon
talakayin kung paano makakaahon
sa hirap o marahil ay magrebolusyon

ang puno ay kapara rin ng mga tao
bata pa'y inaalagaan nang totoo
hanggang magdalaga o magbinata ito
pitasin at kainin yaong bunga nito

halina't magtanim tayo ng mga punò
sa parang, sa kabundukan, saanmang dakò
at diligan natin ng tubig, luha't pusò
hanggang bagong kagubatan yaong mahangò

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa isang mapunong lugar sa UP Diliman